February 7, 2009.
0900H-1100H.
Libingan ng mga Bayani.
Iyan ang interment details na nakaposte sa tabi ng kabaong ni lolo. bakit military time? sundalo siya. 2nd lieutenant.
***
Kakagising ko lang nang binabagtas namin ang daan papuntang Baguio nung February 1. nasa bandang Urdaneta, Pangasinan na kami noon. umaga na. halos limang oras na din kaming bumibiyahe mula manila. matapos kainin ang dalawang spam pandesal at maligamgam na tubig, nakikipagkwentuhan ako kay kuya ronald, ang katabi ko sa van. pinaguusapan namin ang inaalok niya sa akin na job vacancy sa shell. napag usapan din namin ang kalagayan ni lolo.
“Sana okay naman siya ngayon….”, yan ang nasabi ko sa kanya.
Matapos ang ilang sandali, biglang nagsalita si mommy, nasa likuran ko siya nakaupo.
“Karen, wala na si tatay…”
Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksiyon ko nung oras na iyon. parang biglang tumigil ang oras. parang nagfreeze lahat. pinabasa ni mommy ang text ni daddy sa kanya. nanghina ako. di na ako nakasagot sa sinabi ng nanay ko. parang gusto ko nang umuwi pabalik ng manila.
pero hinayaan kong lumipas ang araw na iyon sa baguio. bandang hapon nang sinikmura ako, kaya hindi ko talaga siya naenjoy. kinagabihan bumiyahe na din kami pauwi ng manila. iyon na yata ang isa sa pinakamahabang biyahe na naranasan ko. madaming stop over, nag overheat ang van namin, matraffic sa kamuning. hindi na din kami nakadaan sa burol dahil umaga na nang makarating kami ng maynila. pinauwi na din kami ni daddy.
***
ang nagdaang linggo ang isa din sa pinakamahabang linggo na naranasan ko. bukod kasi sa nangyaring ito, may matinding pressure din akong hinaharap sa trabaho. sabay sila nangyari. feeling ko isa akong cartoon character ng warner brothers na binagsakan ng isang malaking bato sa ulo… hindi pa ako nakakarecover, binagsakan na naman ako. masakit.
mula sa trabaho, nagpupunta ako sa burol ni lolo. una ko siyang nakita nung pangalawang gabi ng burol.
***
makisig siya sa suot niyang all white, type A (basta yung pormal) na uniform ng sundalo. nakapatong sa kabaong niya yung white na headgear niya. nung tinignan ko siya, maaliwalas ang mukha niya. parang mababasa sa mukha niya ang mga katangang, “Hay salamat nakaraos din!”. hindi ko na lang namalayan na pumapatak na ang luha ko. gustuhin ko mang pigilan…
tinawag ako ng nanay ko para magbigay ng butong pakwan at butong kalabasa sa mga taong nakikipaglamay.
***
Open Heaven… Make it Happen. February 7, 2009. Cuneta Astrodome.
Hindi kami nakapunta dito dahil napasabay sa libing ni lolo. biniro ko na nga lang ang sarili ko, “Dibale, nasa heaven na naman si lolo eh.. Ganun na din yon…”
Dahil sundalo si lolo, military funeral ang ginawad para sa kanya. nung nilabas na ang kabaong niya mula mortuary hanggang sasakyan, bigla akong kinabahan. marahil, sa dahilang yun na ang oras na ihahatid na siya sa huling hantungan. kasama yung urn ni lola na ililibing.
napaluha na naman ako. makulimlim at malungkot ang kapaligiran.
***
mula sa mortuary, nilakad namin ang isang kilometrong kalsada papunta sa paglilibingan kay lolo. sa may entrance, may nakalagay…
“I may not know the dignity of his birth, but I know the glory of his death.”
Kinilabutan ako matapos basahin yon. bagay na sabihin talaga sa isang matapang na tao. sa isang sundalo. kay lolo ko.
***
nakarating na kami sa paglilibingan sa kanya. humilera na ang mga sundalong kasama sa parada. may gun salute para kay lolo… nagulantang ako sa unang putok ng mga baril, sabay ng pagluha ulit. ikalawang beses… ikatlo… hindi ko maintindihan yung pakiramdam ko. medyo nawala na yung kalungkutan ko ng mga oras na iyon, dahil finally, natanggap ko na ang pagkawala niya–hindi naman talaga siya kasi nawala, inunahan lang niya tayong makipagkita kay Lord. siguro, dahil fulfilled na yung misyon niya sa pamilya niya, sa amin, at sa mga naencounter niya sa buhay niya. at age 84, the Lord let him serve his purpose here on earth.
bago tuluyang ibaba ang kabaong niya sa hukay, kinuha ng mga sundalong naghatid sa kanya ang bandila sa ibabaw ng kabaong niya. tinupi nila iyon at ibinigay kina daddy. dun ko lalo minahal si lolo dahil pinagamit niya ang buhay niya para lumaban at maglingkod sa bayan.
***
bahagyang sumikat ang araw matapos ang paglibing sa kanya. mahangin din. ang sarap sa pakiramdam. napapikit ako at umusal ng panalangin sa Panginoon. muli, naranasan ko ang comfort Niya at pinadama Niya na kahit anong mangyari, hindi Niya ako iniwanan.
huminga ako ng malalim at binuo ang desisyong hindi na ako malulungkot sa pagpanaw ni lolo. hindi man ako ang paborito niyang apo (dahil pantay pantay kaming lahat sa paningin niya), masaya na din ako dahil alam kong masaya na siya sa kinalalagyan niya ngayon. dahil kapiling na niya ang pinagmumulan ng kasiyahan at galak– ang Lumikha sa tao, sa langit, at sa lupa.
